PSC, itinutulak ang PH golf mula grassroots hanggang global podiums

(Photos by Loujaye Sonido)

Mula sa pagiging exclusive na sport, unti-unti nang ginagawang mas inclusive ang golf sa Pilipinas sa pangunguna ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamamagitan ng isang makabagong grassroots program.

Hindi lang ito simpleng training initiative, ang “Fairway to the Future” program, katuwang ang National Golf Association of the Philippines (NGAP), ay layong i-unlock ang medal potential ng bansa, gawing accessible ang golf sa mas nakararami, at hubugin ang susunod na henerasyon ng Filipino champions.

Ayon kay PSC Chairman Patrick Gregorio, matagal nang naka-limit ang golf sa private clubs at elite circles. Sa programang ito, bubuksan ang mga government-owned at partner golf courses bilang national training facilities.

Ibig sabihin, magkakaroon na ng pagkakataon ang mga junior golfers mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang public school students, anak ng caddies, at out-of-school youth na makapaglaro at makakuha ng world-class training.

Samantala, sinabi ni NGAP President Al Panlilio na isang world-first ang ganitong klaseng inclusive grassroots golf program. Wala umano itong katulad at may potensyal na baguhin ang landscape ng golf sa Pilipinas habang nagbibigay ng oportunidad sa bawat batang may pangarap.

Ang programa ay alinsunod din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nag-utos sa PSC na palakasin ang grassroots sports development bilang bahagi ng kanyang 2025 State of the Nation Address (SONA).

“Sabi nila, ang magaling sa golf kailangan may kaya sa buhay. Pero patutunayan ng programang ito na ang golf ay para sa lahat. Tulad ng sinabi ng Pangulo – ‘Let the kids play,’” ani Gregorio.

Layunin ng programa na mag-produce ng Olympic-level athletes, tuklasin ang talento sa iba’t ibang rehiyon, panatilihin ang engagement ng mga atleta, at makatulong sa socio-economic empowerment sa pamamagitan ng pagbubukas ng golf sa underserved youth.

Sa ilalim ng program, 20 golf courses sa buong bansa ang lalahok at magbibigay ng access sa mga batang 18 years old pababa, simula 2 p.m. hanggang twilight. Magkakaroon din ng access sa driving range buong araw, na gagabayan ng NGAP-accredited professionals.

Ayon naman kay NGAP Secretary-General Bones Floro, ang training ng coaches ay supported ng The R&A, kaya’t hindi lang players ang nade-develop kundi pati ang kalidad ng coaching sa bansa.

Ilulunsad ang programa sa May 18 sa Club Intramuros Golf Course sa Maynila, katuwang ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bases Conversion Development Authority (BCDA), at Department of National Defense (DND).

Dagdag pa ni Gregorio, layunin din ng programa na matiyak na ang mga aspiring junior golfers ay makakatanggap ng standardized at high-level training at equipment, anuman ang kanilang pinanggalingan para mapantayan ang performance ng Pilipinas sa ASEAN region.

Nagpasalamat din siya sa lahat ng partner agencies at golf courses na sumuporta sa proyekto.

“Malaking pagbabago ito sa pananaw na ang golf ay hindi lang para sa iilan, kundi isang opportunity para sa lahat. Maraming batang Pilipino ang may talento at deserve nila ng chance sa world stage,” ani Gregorio.

Kabilang sa mga dumalo sa inter-agency meeting sina Col. Ruben B. Guinolbay (AFP), Director Lyle Fernando H. Uy (DOT), Kenneth Peralta (BCDA), Mylene Magsino (Club Intramuros), at Buddy Resurrection (John Hay Golf), kasama ang mga kinatawan ng TIEZA.

Samantala, nakibahagi rin via virtual meeting sina Claire Borja (TIEZA Zamboanga), Major Cyrus Angelo Castillo (AFP Golf), Col. Rosel (Mactan Island Golf Club), at Major Rajiv Capatoy na kumatawan kay DND Undersecretary Fabian Pedregosa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *