PNP: Mga legal na paputok sa common area lang, mga pailaw pwede sa bakuran

BOCAUE, Bulacan (PIA) — Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang pangunahing patakaran sa paggamit ng mga legal na paputok at pailaw sa pagsalubong sa Bagong Taon ng 2025.

Sa ginawang inspeksiyon ni PNP Chief Rommel Francisco Marbil sa mga malalaking tindahan ng mga paputok at pailaw sa Barangay Turo sa Bocaue, Bulacan, binigyang diin niya na bawal paputukin ang mga legal na paputok sa loob ng bakuran at lalo na sa loob ng bahay.

Kinakailangang sa itinakdang common-area lamang na tinukoy ng mga pamahalaang barangay o ng mga homeowners association gawin ang pagpapaputok ng mga pinapayagang paputok.

Ipinagbabawal naman sa lahat ng pagkakataon ang pagpapaputok sa mga iligal na paputok gaya ng Bin Laden, Kabase, Tuna, Kingkong, Coke in Can, Giant Atomic, Kwinton Bomb, Atomic, Pla-pla, Piccolo, Goodbye Philippines, Goodbye Chismosa, Carina, Christine, Pepito, Ulysses at Yolanda.

Pinangunahan nina Philippine National Police Chief Rommel Francisco Marbil at Gobernador Daniel Fernando ang inspeksiyon sa mga tindahan ng paputok sa Barangay Turo sa Bocaue, Bulacan. Bahagi ito ng kampanya na masugpo ang mga iligal na paputok at matiyak ang ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon ng 2025.(Shane F. Velasco/PIA 3)

Lalo ring bawal na gumawa at gumamit ng Boga.

Samantala, ang mga pailaw ay pinapahintulutan na sindihan sa loob ng bakuran o katapat na bukas na espasyo.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Marbil sa buong kapulisan na kumpiskahin agad ang lahat ng iligal na paputok na itinitinda hanggang sa gabi ng pagsalubong sa Bagong Taon.

Gayundin ang pagpapasara sa mapag-aalaman na imbakan at gawaan ng mga bawal na paputok.

Samantala, muling ipinaalala ni Gobernador Daniel Fernando na ang bawal na paputok ay mananatiling bawal habang ang mga legal na paputok ang patuloy na susuportahan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan at ng Bulacan Pyrotechnics Regulatory Board.

Kaya naman mas mainam aniya na itaguyod na kampanya ang ‘Ingat Paputok’ sa halip na ‘Iwas Paputok’.

Ipinaliwanag niya na bahagi ng namanang kultura ng mga Pilipino ang pagpapaputok kaya’t hindi na ito maiiwasan.

Kinakailangan lamang na maging maingat sa paggamit at tangkilikin ang mga legal na paputok at pailaw upang masuportahan pa rin ang mga Bulakenyong micro, small and medium enterprises na gumagawa nito.

Pinaalalahanan din ng gobernador ang mga legal na gumagawa na sundin ang P.S. Mark o Philippine Standard Quality and Safety Mark na pamantayan na itinakda sa Philippine National Standards na ipinapatupad ng Department of Trade and Industry. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *